Pang. Aquino, ipinagmalaki ang matagumpay na pagbisita sa US at Canada

by dennis | May 11, 2015 (Monday) | 1035
Photo credit: Shy V. Reyes/Photoville International
Photo credit: Shy V. Reyes/Photoville International

Masayang ibinalita ni Pangulong Benigno Aquino III ang bunga ng isang araw na working visit sa Estados Unidos at 3 araw na state visit sa Canada.

Ayon sa Pangulo, ilang negosyante ang nagpahiwatig na mamumuhunan sa bansa matapos nitong makaharap ang mga negosyanteng kasapi sa US Chamber of Commerce, US-ASEAN Business Council, at National Center for APEC sa working visit nito sa Chicago.

Matapos ang pagbisita sa Estados Unidos ay nagtungo naman ito sa Canada para sa tatlong araw na state visit.

Ibinalita ng Pangulo ang pinirmahang kasunduan gaya ng Philippines-Canada Mutual Accountability framework na nagsusulong umano ng hayag at tapat na ugnayan ng dalawang bansa kung saan 82 million Canadian dollars ang indicative budget nito.

Natuwa rin ang Pangulo sa isang negosyante sa Vancouver na namuhunan ng $20 million dollars o P1.3 billion pesos para sa isang waste to energy facility na inaasahang matatapos ngayong taon.

Aniya, ang naturang investment ay maaring kumita ng P8.5 billion sa loob ng 30 taon.

Bukod dito, nakakuha rin umano ng pagkakataon si Pangulong Aquino na personal na makapagpasalamat kay Candian Prime Minister Stephen Harper dahil sa agarang tulong nito matapos manalasa ang bagyong Yolanda.(Jerico Albano/UNTV Radio)