Pandemic scoreboard ng Pilipinas, bumuti noong buwan ng Oktubre — NEDA

by Radyo La Verdad | November 24, 2021 (Wednesday) | 6563

METRO MANILA – Inanunsiyo ng National Economic and Development Authority (NEDA) na nama-manage ng Pilipinas ang COVID-19 habang unti-unting binubuksan ang ekonomiya batay sa kanilang National Action Plan (NAP) IV Card.

Ayon kay NEDA Undersecretary Rosemarie Edillon noong November 22, tumaas ito sa 4.83 points kumpara sa 4.42 na score noong nakalipas na buwan ng Setyembre.

Sinusukat ng NAP IV scorecard kung anong mga ginagawa ng Pilipinas sa infection management, vaccine rollout, at socioeconomic recovery sa partikular na buwan.

Tumaas ang iskor ng infection management sa 1.44 mula sa 1.25 dahil sa pagbaba ng ng severe at critical cases ng COVID-19. Bumagsak ito sa 114,508 na mga kaso mula sa naitalang 186,393 na mga kaso noong buwan ng Setyembre.

Dahil naman sa pagtaas ng mga bakunado at fully-vaccinated na mga indibidwal, ay tumaas din ang iskor ng vaccine rollout sa 1.30 mula sa 0.99 noong Setyembre.

Sa kabilang banda naman ay bumaba ang iskor sa socioeconomic recovery noong Oktubre sa 2.10 mula sa 2.18 noong Setyembre. Dahil ito sa mababang bilang ng naitalang mga flight.

Nakabase ang pagpupuntos ng socioeconomic recovery sa mga datos galing sa manufacturing Purchasing Managers’ Index (PMI) ng IHS Markit, Google mobility, at flight activities.

Dagdag pa ng undersecretary, nagkaroon muli ng pagtaas ng mga kaso noong buwan ng Oktubre kung kaya’t bumaba ang bilang ng mga flight kumpara noong Setyembre.

Layunin aniya ng National Action Plan Phase IV ay mabalanse ang pangangailangang pangkalusugan dulot ng pandemya at ang pagbubukas ng ekonomiya.

(Judren Soriano | La Verdad Correspondent)

Tags: ,