Pandemic campaign rules ng Comelec, posibleng maharap sa legal na usapin ayon sa ilang election lawyers

by Radyo La Verdad | February 17, 2022 (Thursday) | 4778

Dalawang election lawyers na ang nagsasabing maaaring kwestyunin ang legalidad ng kasalukuyang pandemic campaign rules ng Commission on Elections.

Isang linggo ito matapos ang pormal na pag-uumpisa ng campaign period para sa national candidates noong February 8.

Naniniwala rin ang Election Law Expert na si Atty. George Erwin Garcia na posible pang pagmulan ng katiwalian ang ilan sa mga panuntunang nakapaloob sa Comelec Resolution Number 10732.

Kabilang na dito ang paghingi ng prior approval ng mga kandidato sa Comelec Campaign Committee (CCC) 72 oras bago ang isasagawa nilang campaign activities.

Ayon naman sa isa pang election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal, masyadong mahigpit ang panuntunan ng Comelec.

Sinabi naman ni dating Comelec Commissioner na si Gregorio Larrazabal, mas mainam kung susulat sa Comelec ang sinomang may hinaing kaugnay ng pandemic campaign rules.

Kinuwestyon din nito ang iba pang panuntunan sa Comelec resolution tulad ng pagbabawal sa physical contact gaya ng selfies na aniya’y mahirap ma-monitor at maipatupad.

Nabanggit na ni Comelec Spokesperson Director James Jimenez na para maging pormal ang apela, dapat sumulat ang mga kandidato sa komisyon para matalakay ng En banc.

Inilabas ang campaign guidelines ng Comelec nang nasa mahigpit na COVID-19 restrictions o alert level status pa ang ilang bahagi ng bansa.

Bukas naman ang komisyong repasuhin ang mga inilabas na panuntunan.

Samantala, sa March 25 naman nakatakda ang pag-uumpisa ng local campaigns.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,