Panda Coach Tourist Bus Company, umapela sa LTFRB na bawiin na ang suspensiyon sa kanilang operasyon

by Radyo La Verdad | March 8, 2017 (Wednesday) | 1539


Malaki na ang nalugi sa kumpanya ng Panda Coach Tourist Transport mula nang suspindihin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang kanilang operasyon matapos ang Tanay bus accident noong February 20.

Bunsod nito, hiniling ngayong araw ng naturang bus company sa LTFRB na bawiin na ito upang makarekober sila at matustusan ang ipinangakong financial assistance sa mga bikitma ng aksidente.

Hindi naman pinagbigyan ni LTFRB Chairman Atty. Martin Delgra ang hiling matapos umanong mapagalaman ng board, na phase-out na ang modelo ng bus na naaksidente sa Rizal.

Bunsod ng desisyong ito ng LTFRB, pinagaaralan na ng mga abugado ng panda coach na umapela sa mas mataas na hukuman upang mai-lift na ang suspension order sa kanilang mga bus.

Habang patuloy namang pinagaaralan ng ahensya kung maaari ring patawan ng suspensyon o kanselasyon ang operasyon ng harana tours.

Samantala, inatasan na rin LTFRB board ang SCCI Management and Insurance Agency Corporation na ihanda na ang lahat ng mga kaukulang dokumento para sa pagre-release ng natitirang one hundred fifty thousand pesos na ayuda para sa naiwang pamilya ng mga nasawi sa aksidente.

Inaasahang matatanggap ang kabuoang insurance ng mga bikitma sa susunod na linggo.

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

Tags: , ,