Pananakit kay Horacio Castillo III, ibinunyag ng Aegis Juris Fraternity member na si Mark Ventura – Sec. Vitaliano Aguirre

by Radyo La Verdad | October 26, 2017 (Thursday) | 1523

Sa halip na dumalo sa preliminary investigation kahapon, nakipagkita kay Sec. Vitaliano Aguirre ang isa sa mga miyembro ng Aegis Juris Fraternity na si Mark Ventura. Respondent ito sa mga reklamo kaugnay ng pagkamatay ni Horacio Castillo III.

Sa pagharap kay Sec. Aguirre, nagpahayag umano ito ng kahandaang tumestigo sa kaso. Ayon sa kalihim, nagbigay na ng salaysay si Ventura at idinetalye nito ang ginawang hazing kay Atio.

Batay aniya sa salaysay ni Ventura, inumpisahan ang initiation rites sa pamamagitian ng pagsuntok kay Atio sa braso. Sampung miyembro umano ng frat ang halinhinang gumawa nito na tumagal ng isang oras.

Ginamitan din umano ito ng spatula upang pahupain ang pamamaga ng braso. Pagkatapos nito ay saka umano sinimulang hampasin ng paddle si Atio. Pero pinalo pa ito ng isang beses nang bahagyang mahimasmasan kaya’t tuluyan itong nawalan ng malay bandang alas singko ng umaga.

Dito na umano tinawag ng grupo si John Paul Solano na isang medical technologist. Ngunit sa kabila ng pagsisikap ni Solano na i-revive ito ay wala ring nangyari kaya’t isinugod na ito sa Chinese General Hospital kung saan idineklara itong dead on arrival.

Ayon kay Aguirre, tinanggap na sa Witness Protection Program si Ventura. Aminado rin umano ito na isa siya sa mga nanakit kay Atio bilang second master initiator.

Nasa dalawampung miyembro umano ng fraternity ang kasali sa initiation rites kay Atio. Bukod sa mga nanakit dito, may mga kasama rin silang nag-videoke at nag-inuman upang pagtakpan ang ingay ng hazing.

Ayon sa kalihim, lahat ng mga ito ay dawit din sa reklamo.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

 

 

 

Tags: , ,