Dadaan sa masusing pagtatanong ang mga residente ng barangay Muzon na nais makakuha ng tulong pinansyal mula sa San Jose del Monte Water District.
At upang mapadali ang pagtukoy sa mga ito, naglagay na sila ng help desk sa site kung saan naganap ang insidente. Kapag natapos na ang pagpapalista, sasailim ang mga ito sa deliberasyon ng komite ng water district para sa nararapat na ayuda sa pagpapaayos ng mga nasirang bahay at establisimento.
Sa ngayon tanging prayoridad ng water district ang medical assistance sa mga nasugatan at burial naman sa mga nasawi.
Magsasagawa rin ng stress debriefing ang Department of Social Welfare and Development sa mga biktima upang maibsan ang tinamo nilang trauma mula sa insidente.
Umapela naman ang mga residente sa water district na huwag nang patagalin pa ang pagbibigay ng tulong sa kanila. Plano naman ng ibang residente na magsampa ng reklamo kung wala pa rin silang matatanggap ng tulong.
Aabot sa mahigit apat na pung pamilya ang apektado ng pagsabog habang hindi bababa sa sampung bahay at establishamento ang nasira bukod pa ang mga sasakyan at motorsiklo na winasak ng tubig mula sa water tank.
( Nestor Torres / UNTV Correspondent )