Pamunuan ng PNP, itinangging may recruitment sa PNP-SAF vs kay Pang. Duterte

by Radyo La Verdad | September 13, 2018 (Thursday) | 10192

Buo ang hanay ng pambansang pulisya at walang namomonitor na ano mang recruitment laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang muling tiniyak ni PNP Chief PDG Oscar Albayalde. Ito’y matapos na hamunin ng Pangulo ang mga nasa security forces na sumama kay Sen. Antonio Trillanes IV sa pagpapatalsik sa kanya sa pwesto kung hindi kuntento sa kanyang pamumuno.

Ginawa nito ang pahayag sa kanyang televised question and answer kasama si Presidential Legal Counsel Salvador Panel noong Martes.

Ayon sa heneral, nananatiling tapat sa chain of command at rule of law ang kanilang hanay taliwas sa mga lumalabas na impormasyon na may recruitment na nangyayari partikular na sa Special Action Force o PNP-SAF.

Wala din aniya silang namomonitor na nagpakalbo bilang protesta sa Pangulo.

Maging ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay naglabas din ng pahayag hinggil sa pagiging tapat nila sa chain of command.

Muli ring nagbabala si AFP Chief of Staff Gen. Carlito Galvez Jr. na maaalis sa pwesto at iimbestigahan ang sino mang susuway sa chain of command.

 

( Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent )

Tags: , ,