Pamunuan ng Mactan-Cebu Int’l Airport, humingi ng paumanhin matapos bahain ang Terminal 2 noong Martes

by Radyo La Verdad | August 3, 2018 (Friday) | 1616

Trending sa social media ang mga larawan ng nangyaring pagbaha sa departure level link-bridge ng Mactan Cebu International Airport Terminal 2 (MCIA) dahil sa malakas na pag-ulan noong Martes ng hapon. Wala namang nakansela o naantalang flights ngunit napilitan naman ang mga pasahero na lumusong sa baha.

Noong Hunyo lamang ngayong taon binuksan ang Terminal 2 ng MCIA kaya naman marami ang mga nadismaya sa pangyayari.

Kahapon, naglabas na ng opisyal na pahayag ang GMR-Megawide Cebu Airport Corporation na humihingi ng paumanhin dahil sa abalang naidulot nito sa mga pasahero.

Ayon sa pamunuan ng paliparan, nagpapatupad na umano sila ng corrective measures upang maiwasan na maulit pa ito. Iniinspeksyon na rin ang drainage system ng Terminal 2 upang matiyak na normal ang daloy ng tubig. Tinitingnan din nila posibleng paglalagay ng exterior blinds sa link-bridge upang hindi na ito mapasok ng tubig ulan.

Samantala, itinuturing naman ng Department of Tourism Region VII na isang minor glitch lamang ang nangyaring pagbaha sa Terminal 2 at hindi anila makakaapekto sa pagdating ng mga turista.

Ang Mactan Cebu International Airport Terminal 2 ay isa sa ipinagmamalaking proyekto sa ilalim ng Build, Build, Build program ng Duterte administration.

Ang proyektong ito na may konseptong airport-resort ay nagkakahalaga ng P17.5 B.

Personal pang sinaksihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbubukas nito noong Hunyo.

 

( Gladys Toabi / UNTV Correspondent )

Tags: , ,