Pamumutol sa halos 4,000 puno ng mangrove sa Orion, Bataan ng isang negosyante, inireklamo ng lokal na pamahalaan

by Radyo La Verdad | December 4, 2015 (Friday) | 3166

JOSHUA_NAGHAIN
Naghain ng reklamo sa Provincial Environment and Natural Resources at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources si Orion, Bataan Mayor Antonio Raymundo laban sa isang negosyante na kinilalang si Vic Ignacio.

Ito ay kaugnay ng umano’y paglabag nito sa Section 99 ng Republic act 10654 na nagbabawal sa pamumutol o pag-convert sa mangroves sa anumang dahilan.

Sinasabing higit tatlong libo at siyam na raang puno ng mangrove na nakatanim sa mahigit isang ektarya ng lupain sa Barangay Santa Elena ang ipinaputol ni Ignacio para sa itatayo nitong dockyard business.

Ayon kay Mayor Raymundo, tanging pagtatayo ng negosyo ang inihingi ng permiso ni ignacio at hindi ang pamumutol ng mga bakawan na nagsisilbing tirahan ng mga ibon, isda at alimango.

Kapag napatunayang pinaputol ni ignacio ang mga bakawan nang walang kaukulang dokumento, maaari siyang pagmultahin o patawan ng parusang pagkakakulong.

Inamin naman ng ilang opisyal ng barangay na pinayagan nila ang pagtatambak ng lupa at pamumutol sa mga bakawan noong setyembre 2015 para sa itatayong negosyo ni ignacio ngunit hindi umano nila alam na may batas na nagbabawal rito.

Iginiit rin nilang hindi naman lahat ng bakawan sa lugar ay pinaputol dahil may natira pa namang maaaring pangitlugan ng mga isda.

Kabilang sa mga naputol ay ang puno ng Palatpat na may isandaang taon na ring nakatanim sa lugar.

Ayon naman kay Mayor Raymundo, maituturing na bird sanctuary ang Barangay Sta. Elena dahil dinarayo ito ng mga ibon noon pang 1966 gaya ng isang site sa Balanga city.

Umaasa si Raymundo na agad mareresolba ang reklamo upang ma-rehabilitate ang mga nasirang bakawan.(Joshua Antonio/UNTV Correspondent)

Tags: , , , , ,