Pampanga Gov’t, nagpadala ng mga tauhan upang tumulong sa DA kaugnay ng Avian flu outbreak

by Radyo La Verdad | August 17, 2017 (Thursday) | 2112

Tutulong na ang Pampanga government sa Department of Agriculture upang mapabilis ang pagbibilang sa mga manok sa bayan ng San Luis na apektado ng Avian influenza virus.

Ayon kay Pampanga Vice Governor Dennis Pineda, nasa tatlumpu’t anim na grupo ang kanilang binuo na mula sa DA, PNP, LGU at Provincial government.

Ayon kay Agriculture Secretary Emmanuel Piñol, sila ang magbibilang ng mga manok sa labas ng 1km radius na ipapapatay ng mga may-ari ng poultry farm. Paliwanag ni Secretary Piñol, hihigpitan nila ang gagawing pagbibilang upang malaman kung magkano ang kanilang gagastusin sa culling operations.

Ngayong araw ay sinimulan na ang pagbibilang ng mga papatayin na manok sa barangay na nasa labas ng 1km radius. Bago ito, nagsagawa muna ng briefing at orientation na kung saan ay binigyan lahat sila ng personal protective equipment.

Samantala, inatasan naman ng Department of National Defense ang Philippine Army na tumulong din sa Kagawaran ng Agrikultura.

 

(Joshua Antonio / UNTV Correspondent)

Tags: , ,