Paminsan-minsan at mahinang paglalabas ng lava ng Bulkang Mayon, patuloy na inoobserbahan ng PHIVOLCS

by Radyo La Verdad | February 19, 2018 (Monday) | 3739

Mahigpit na nagbabantay ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology  (PHIVOLCS) sa manaka-nakang paglabas ng lava ng Bulkang Mayon.

Naobserbahan rin ng PHIVOLCS ang mahinang lava fountaining sa bulkan sa nakalipas na magdamag. Tatlong discreet o hindi masyadong pansin na lava fountaning ang naitala ng PHIVOLCS sa Bulkang Mayon kahapon. Ang una ay tumagal ng labing dalawang oras na lumikha ng ash plumes mula sa bibig ng bulkan.

Nakapagtala rin ng mahihinang lindol na tumagal ng 21 minuto kasabay ng ugong na maririnig sampung kilometro mula sa bulkan. Ang lava flow ay umabot na hanggang sa 4.5 kilometer radius ng Mayon na dumaan sa Miisi, Bonga at Basud Gullies.

Wala namang naobserbahan na humaharang sa bibig ng bulkan dahil sa patuloy na paglabas ng sulfur dioxide o puting usok. Tinatayang nasa 1,399 toneladang sulfur dioxide ang nailalabas ng Bulkang Mayon araw-araw.

Batay naman sa GPS, naobserbahan rin ang patuloy na pamamaga ng bulkan na nagsimula pa noong October 2017.

Kung ang titignan naman ay ang iba pang mga batayan, hindi pa rin dapat ibaba ang alert level 4 warning.  Lahat ng parameters na binabantayan ng PHIVOLCS ay mataas pa rin kung kayat wala pang dahilan na ibaba ang babala.

Hindi pa masasabi ng PHIVOLCS kung gaano karami at kailan matatapos ang lava na dapat ilabas ng bulkan. Pero hanggat may puting usok na lumalabas sa Mayon, bahagya ring nabawasan ang kaba at takot sa isang mas malakas na pagsabog.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,