Pamilya ni Mayor Antonio Halili, kumpyansa sa itinatakbo ng imbestigasyon kaugnay sa pagpatay sa alkalde

by Radyo La Verdad | July 3, 2018 (Tuesday) | 4297

Iginiit ng anak ni Tanauan City Mayor Antonio Halili na walang kinalaman sa operasyon ng iligal na droga ang kanyang ama.

Aniya, posibleng maling impormasyon lamang ang nakararating kay Pangulong Rodrigo Duterte kaya inaakala nitong sangkot sa illegal drug trade ang alkalde.

Patuloy naman ang pagdating ng mga nakikiramay sa bahay ng mga Halili kung saan nakaburol ang mga labi ng alkalde.

Kasama sa mga nakiramay sina Sen. Ralph Recto, Taguig Mayor Lani Cayetano, Mayor Henry Villarica ng Mecauayan Bulacan at League of Cities of the Philippines National President Edwardo Pamintuan ng Angeles City Pampanga.

Kuntento naman ang pamilya halili sa itinatakbo ng imbestiasyon at kumpiyansang makakamit ang hustisya.

Maging ang pamunuan ng Tanauan City ay patuloy na nakikipagtulungan para sa mabilis na ikalulutas ng kaso.

Samantala, naniniwala naman ang Malacañang na hindi maaapektuhan ng mga pahayag ni Pangulong Duterte ang imbestigasyong isinasagawa sa pagpaslang kay Tanauan City Mayor Halili.

Kagabi, sinabi Pangulong Rodrigo Duterte na may suspetsa siyang may kaugnayan sa umano’y pagkakasangkot sa iligal na droga ang dahilan ng pagpaslang sa local chief executive ng Tanauan City.

Sinisisi naman ni Senator Leila De Lima si Pangulong Duterte sa pagkamatay ni Halili dahil sa mga pahayag nito laban sa mga opisyal na sangkot umano sa kalakaran ng iligal na droga.

 

( Japhet Cablaida / UNTV Correspondent )

Tags: , ,