Pamilya ng batang tila ginawang aso ng sariling ina, hiniling sa DSWD na ibalik na sa kanila ang sanggol

by Radyo La Verdad | May 26, 2015 (Tuesday) | 3641

BATA 2

Humihingi ng paumanhin sa publiko ang pamilya ng batang nag-viral sa social media matapos i-post ng nanay nito ang larawan na tila ginawa niyang aso ang kanyang anak.

Ayon sa lola ng sanggol na isang taon at anim na buwan pa lamang, katuwaan lang ang nangyari at wala silang layuning masama nang ipaskil ang larawan sa facebook.

Kumalat ang larawan ng bata matapos itong i-share ng mga netizen na nagalit at bumatikos sa ginawa ng nanay sa bata na nilagyan ng tali sa leeg at tila pinapakain sa isang mangkok sa sahig gaya ng isang aso.

Kahapon, kinuha ng DSWD ang bata upang pansamantalang kupkupin habang isinasailalim pa sa pagsusuri at counselling ang mga magulang ng bata.

Ayon sa DSWD-Bataan, lumapit na sa kanilang tanggapan ang mga magulang para itanong kung ano ang dapat nilang gawin sa isyu.

Hiniling rin ng pamilya nito na ibalik na sa kanila ang pangangalaga sa bata.

Ngunit ayon sa DSWD, hindi maaaring balewalain ang pangyayari dahil maaari itong magdulot ng masamang epekto sa paglaki ng bata.

Posible ring maharap sa reklamong child abuse ang nanay ng paslit.

Sa ngayon, mananatili muna ang bata sa kustodiya ng DSWD hangga’t hindi natatapos ang psychological exam at pagsusuri sa parenting capability sa mga magulang ng bata.(Joshua Antonio/UNTV News)

Tags: