Pamilyang Marcos, naghahanda na sa nalalapit na pag-upo ni Marcos Jr. bilang susunod na pangulo ng bansa

by Radyo La Verdad | June 27, 2022 (Monday) | 924

METRO MANILA – Ilang araw na lamang ay manunumpa na si President-elect Ferdinand Bongbong Marcos Junior bilang ikalabimpitong pangulo ng bansa.

Sa kaniyang vlog, sinabi ni Marcos Junior na maging ang kaniyang pamilya ay naghahanda na rin sa magiging bagong buhay nila bilang first family.

Ang kaniyang asawa na si Liza ay kailangang bitawan ang kaniyang law firm.

“Ngunit wala tayong magagawa dahil siya ay magiging first lady at kailangan niyang bitawan ang kaniyang interes doon sa kaniyang law firm,” ani President-elect Ferdinand Bongbong Marcos Jr.

Ayon pa kay Marcos Junior, ang kaniyang 2 anak ay sinasanay na rin ang sarili dahil sa kanilang security detail.

“Iyong dalawa ko pang anak, dahan-dahang nasasanay dahil marami silang bigla na security. Panay nga reklamo. Pero wala tayong magagawa, ganoon talaga ‘pag ikaw ay naging anak ng Presidente” ani President-elect Ferdinand Bongbong Marcos Jr.

Ang kaniyang anak naman na si Sandro ay inihahanda na ang kaniyang magiging opisina sa House of Representatives bilang neophyte congressman ng Ilocos Norte.

Nagpasalamat naman ang president-elect kay Pangulong Rodrigo Duterte sa suporta nito sa kaniya at nangako na itutuloy ang mga programa ng outgoing president.

“Tiniyak ko sa kaniya na yung mga proyekto niya na nakabuti sa ating bansa ay ipagpapatuloy ko” ani President-elect Ferdinand Bongbong Marcos Jr.

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: ,