Muling tinalakay ng Korte Suprema ang mga kaso ng Marcos burial sa kanilang en Banc session ngayong araw.
Nagpasya ang mga mahistrado na tingnan muli ang kaso at pasagutin ang pamilya Marcos at ilang opisyal ng DND at AFP sa apela ng mga petitioner sa kanilang desisyon noong November 8.
Naghain ng motion for reconsideration ang mga petitioner kahapon at pinababawi sa Korte Suprema ang naunang desisyon na pumapayag sa Marcos burial.
Pinasasagot din ang mga respondent sa petisyon na patawan sila ng contempt dahil sa biglaang pagpapalibing sa mga labi ni dating pangulo sa Libingan ng mga Bayani.
Dati nang iginiit ng mga petitioner na hindi pa pinal ang desisyon sa kaso kaya’t hindi muna dapat inilibing ang mga labi ng dating pangulo.
Samantala, pinasasagot naman ng Korte Suprema ang solicitor general sa inihaing habeas data petition ni Senador Leila de Lima laban kay Pangulong Duterte.
Iginiit ni de Lima sa kanyang mosyon na dapat resolbahin na ng korte ang inihain niyang kaso sa pangulo.
Una nang inatasan ng SC si de Lima at ang OSG na magbigay ng kani-kaniyang posisyon sa isyu ng presidential immunity dahil mahalagang maresolba muna ito bago sila magpasya kung aaksyonan o hindi ang isinampang kaso ni de Lima.
Layunin ng petisyon ni de Lima na hamunin ang immunity ni Pangulong Duterte at patigilin ang umano’y paniniktik at pambabastos sa kanya bilang isang babae.
(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)
Tags: mga apela sa Marcos burial decision, Pamilya Marcos at mga respondent, pinasasagot ng Supreme Court