Pambili ng bakuna kontra COVID-19, popondohan ng utang o ng 2021 national budget- Malacañang

by Erika Endraca | October 16, 2020 (Friday) | 1364

METRO MANILA – Nakahanap na ng pondo ang pamahalaan para sa 40-M doses ng bakuna na ipagkakaloob sa 20-M pinakamahihirap na Pilipino.

Ito ang pagtitiyak ni Pangulong Rodrigo Duterte bagaman binanggit din nito na balak niya pang maghanap ng karagdagang salapi upang mapagkalooban ang lahat ng mga mamamayan ng libreng Covid-19.

Ayon sa malacañang, kung ngayong taon magiging available ang pinaka-aasam na bakuna, popondohan ito ng utang sa pamamagitan ng development bank of the Philippines at Land Bank of the Philippines.

Subalit kung sa 2021 na magiging available ang vaccine, may nakalaan nang pondo para rito sa 2021 national budget.

“Matagal na po natin naayos ang ating funding scheme. Habang wala pa pong pantaunang budget for 2021, uutangin po natin iyan sa landbank at saka sa DBP at i-angkat ng pitc. Pero pagsipa po ng 2021 at kung maipapasa naman po ang 2021 budget, napakapaloob na po itong halagang ito doon sa budget po na prinopose natin sa kongreso.”ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Samantala, tinanong naman ang palasyo kung isa lamang political placebo o pang-uuto sa taumbayan ang palaging sinasabi ng pangulo na malapit nang maging available ang bakuna subalit itinanggi ito ng Malacañang.

Giit din ni Presidential Spokesperson Roque, bukod sa naka-ayon sa siyensa, ang mga pahayag ng punong ehekutibo ay upang i-address din ang pandemic fatigue ng publiko.

“It is based on science. The fact na ang dami nang nasa 3rd clinical trial means andiyan na po talaga ang remedy, there is light at the end of the tunnel.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: