Pambato ng Pilipinas na si Winwyn Marquez, wagi sa 2017 Reina Hispanoamericana na isinagawa sa Sta. Cruz Bolivia

by Radyo La Verdad | November 6, 2017 (Monday) | 2333

Umangat ang gandang Pilipina sa Reina Hispanoamericana 2017 matapos makuha ang korona ng kauna-unahang Asian at Filipina na sumabak sa patimpalak na si Teresita Ssen “Winwyn” Marquez. Isinagawa ang coronation night noong Sabado ng gabi sa Sta. Cruz dela Sierra, Bolivia.

Sa evening gown competition pa lamang ay hindi nagpahuli si Winwyn na rumampa suot ang emerald green gown na gawa ng Pinoy designer.

Napahanga naman nito ang lahat sa kaniyang sagot sa question and answer portion sa tanong na kung paano maipo-promote ang hispanicamerican culture sa kabila ng language barrier.

Ayon kay Winwyn, naniniwala siya na magkakaintindihan ang bawat isa kung ang kagandang loob ang magsisilbing universal language.

Aniya, ang Hispanic culture ay hindi lamang tungkol sa lengguwahe kundi tungkol din ito sa pag-ibig sa Dios, sa bansa, sa kasaysayan, sa kultura  at sa pamilya.

At bilang Pilipino na may unique heritage, ang lahat ng ito ay nakintal sa kanya. Sa kaniyang mensahe sa official facebook page ng Reina Hispanoamericana, nagpasalamat si Winwyn sa lahat ng sumuporta sa kaniya.

Samantala, nakuha naman ng bansang Brazil ang first place, Venezuela ang second place, habang third place naman ang Mexico.

Bago umuwi ng Pilipinas ay isa namang salu-salo ang isasagawa ng Filipino community sa Bolivia para kay Winwyn.

 

( Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,