METRO MANILA – Inaasahang pipirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Davao City ang P4.5-T 2021 national budget sa darating na Lunes (Dec. 28).
Ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Rarry roque, mananatili sa kaniyang hometown ang punong ehekutibo hanggang sa araw na iyon subalit hindi pa ito nakatitiyak kung mananatili ito duon hanggang sa pagpapalit ng taon.
May mga kinatawan ng House of Representatives at Senado na magtutungo sa Davao City upang malagdaan ng Pangulo ang pambansang pondo para sa susunod na taon.
Noong nakalipas na Biyernes nang i-transmit ang printed book form ng general appropriations act sa Malacañang.
“Kahapon po nilinaw na 28th ang pirmahan at yan po ay gagawin sa Davao, mayroon pong 5 taga kamara de representante at 5 taga-senado na dadalo sa signing ng budget” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.
Nakapaloob sa 2021 national budget ang paglalaan ng pondo para sa Covid-19 response ng pamahalaan gayundin ang para sa mga gagawing hakbang upang makabangon ang ekonomiya, na lubhang naapektuhan ng pandemiya.
Kung aaprubahan ng Pangulo ang bicam-approved version ng budget, may P72-B na nakalaang pondo para sa pagbili ng bakuna at gamot kontra Covid-19.
Tiniyak ng Malacañang na pag-aaralang mabuti ni Pangulong Duterte ang pambansang pondo bago ito pirmahan.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: National budget 2021