Mas madadagdagan umano ngayon ang utang ng bawat Pilipino dahil sa pork barrel system.
Ayon kay Senator Panfilo Lacson, kada Pilipino kahit ang kapapanganak pa lamang ngayon ay may utang nang 71,000 piso. Ito ay dahil aniya sa paglaki ng inuutang ng pamahalaan upang mapondohan ang mga proyekto at mabayaran ang mga nakaraang utang ng bansa.
Ayon pa sa senador, malaki rin ang kinakailangang mapondohan sa susunod na taon dahil na rin sa corrupt na pork barrel system.
Kaya naman nagbabala ang mambabatas sa pamamayagpag ng pork barrel sa susunod na taon. Una na ring ibinulgar ng senador sa budget deliberation sa plenaryo ang umano’y mga pork barrel insertion ng mga mambabatas.
Kung saan ang dalawang kongresista ay may bilyong pisong isiningit umano na pondo para sa mga proyekto ng kanilang mga distrito, bukod sa tig animnapung milyong pisong pondo para sa bawat 297 na kongresista.
Sagot naman ni Department of Budget and Management Secretary Benjamin Diokno, walang ipinanukala ang administrasyon na pork barrel sa panukalang budget, maliban na lamang aniya sa Kamara na may kapangyarihan upang amiyendahan ang proposed budget.
Ayon pa sa kalihim, mas mabuting pag-aralang mabuti ang relasyon ng utang ng pamahalaan sa takbo ng ekonomiya ng bansa.
( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )
The Philippine Broadcast Hub
UNTV, 915 Barangay Philam, EDSA, Quezon City M.M. 1104
Radyo La Verdad © All Rights Reserved 2019
+632 8 442 6254 | Monday – Friday, 8AM – 5PM | info@radyolaverdad.com