Pamamahagi ng fuel subsidy ng LTFRB kasabay ng campaign period, pinayagan na ng Comelec sa ilang kondisyon

by Radyo La Verdad | April 7, 2022 (Thursday) | 10750

METRO MANILA – Inaprubahan na ng Comelec ang hiling ng LTFRB na ipagpatuloy ang pamamahagi ng fuel subsidy.

Ito ay sa kabila ng disbursement ban na ipinatutupad ng komisyon kasabay ng kasagsagan ng campaign period para sa darating na halalan.

Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, malinaw na nakasaad sa omnibus election code na may exemptions naman sa naturang restriksyon.

Upang maiwasan ang delay, kailangan lang ianalisa ng mga ahensya at LGU kung exempted sa ban ang kanilang mga proyekto lalo na kung ito ay social services.

Binigyang-diin din naman nito na dapat sundin ng LTFRB ang mga proseso na iniuutos ng Comelec sa pagpapatupad ng programa ng ahensya.

Maging ang ibang mga gov’t agencies na katuwang sa implementasyon ng programa ng LTFRB ay dapat ding magsumite ng kaukulang requirements.

Nilinaw naman ni Garcia na makapagpapatuloy lang ang LTFRB sa pamamahagi ng ayuda kapag nakapag isyu na ang Comelec ng resolusyon kaugnay nito.

(Asher Cadapan Jr | UNTV News)

Tags: ,