Pamamahagi ng ayuda para sa mga apektado ng ECQ sa NCR, sisimulan ng mga LGU ngayong Linggo

by Erika Endraca | August 9, 2021 (Monday) | 4115

METRO MANILA – Binibigyan lamang ng 2 Linggo ng national government ang mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila para ipamahagi ang financial assistance para sa mga residente sa Metro Manila .

Noong nakaraang Linggo ay inilabas na ng Department of Budget and Management (DBM) ang halos P11-B para sa mga higit na naapektuhan ng muling pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Ayon sa joint memorandum circular ng DILG, DSWD at DND, bibigyan ng tig-isang libong piso ang mga low-income individuals pero hindi lalampas ng 4 na libo sa isang pamilya.

Ayon kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, ang mga benepisyaryo ay dapat na naninirahan sa Metro Manila mapa-permanente man o pansamantala lamang, maging ang mga inabutan lamang ng pagpapatupad ng ECQ.

Ayon naman sa DSWD, ang mga lokal na pamahalaan ang bahala sa paraan ng kanilang gagawing pamamahagi kaakibat lamang ang pagsunod sa health protocol.

“Ang mga lokal na pamahalaan po ang tutukoy kung ano ang kanilang ia-adopt, anung uri yung mode of distribution na gagawin. Siguraduhin po natin na tayo po ay patuloy na i-observe yung mga minimum health and safety protocols para narin po sa proteksyon ng bawat isa po sa atin” ani DSWD Spokesperson Irene Dumlao.

Maaari namang makipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan sa national government kung kakailanganin pa ang dagdag na panahon.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: , ,