METRO MANILA – Pinawi ng Malacañang ang pangamba ng beneficiaries ng Social Amelioration Program (SAP) na maapektuhan ang pagkakaloob ng ayuda sa hindi pagkakapasa ng extension ng Bayanihan Law
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ma-terminate man ang batas, ipagkakaloob pa rin ang karampatang ayuda.
At prayoridad na unang mabigyan ang limang milyong pamilyang hindi nakasama sa unang bahagi ng pamamahagi ng SAP.
“Ang ina-assure ko lang po, yung mga benepisyo na di pa natatanggap ng ating mga kababayan na nakapaloob sa bayanihan act will be given to them, wala pong epekto kung kalian ang expiration ng law pagdating sa 2nd tranche ng ayuda at iba pang ayuda na dapat maipamigay” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.
Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang ginagawang validation ng Department Of Social Welfare And Development (DSWD) sa isinumiteng listahan ng mga additional na beneficiaries.
Nanindigan naman ang palace official na sa June 25 pa mapapaso ang Bayanihan to Heal as one law gaya ng isinasaad sa batas, 3 buwan matapos itong mailathala sa publiko.
Samantala, pinag-aaralan na rin ng tanggapan ng Presidente kung kinakailangang manawagan ng special session sa kongreso para makapagpasa ng batas na magpapalawig sa Bayanihan law sa gitna ng nagpapatuloy na pandemiya.
“I’m sure, the office of the executive secretary is studying this matter already pero ang importante po ay magkaroon ng stimulus bill na suportado ng parehong houses of congress po ” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: 2ND TRANCHE, malacanang, SAP