Isa ang Manila North Cemetery sa pinakamalaking sementeryo sa Metro Manila. Sa laki nitong limampu’t apat na ektarya, kilo-kilometro din ang lalakarin upang makarating sa pinakadulong mga puntod.
Kaya naman may handog na libreng sakay sa electric-tricycle o e-trike ang pamahalaang lungsod ng Maynila.
Isangdaang e-trike na kayang magsakay ng sampung pasahero kada unit ang bumibyahe mula gate hanggang sa looban ng sementeryo. Patok naman ito sa mga mananakay. Sinimulan ang libreng sakay noong Sabado at magtatagal ito hanggang bukas ng hatinggabi.
Wala ring bayad pati ang serbisyo ng mga e-trike driver na nakatanggap ng tulong pangkabuhayan sa pamahalaang lungsod.
Layon din nito na mai-promote ang paggamit ng e-trike o electric tricycle na pinatatakbo ng kuryente.
Kumpara sa ordinaryong tricycle, wala itong ingay at kayang magsakay ng anim hanggang walong pasahero.
( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )
Tags: e-trike, Manila North Cemetery, Maynila