Pamahalaan, tiniyak na may mga aksyong ginagawa ukol sa militarisasyon ng China sa West Philippine Sea

by Radyo La Verdad | February 7, 2018 (Wednesday) | 6844

Nilinaw ni National Security Adviser Hermogenes Esperon na may mga ginagawang hakbang ang pamahalaan hinggil sa ulat ng umano’y militarisasyon ng China sa West Philippine Sea.

Ayon sa opisyal, hindi sila tumitigil sa pagmomonitor at pag-aassess sa pinagtatalunang teritoryo. Ilan sa mga binanggit nitong hakbang ay ang pagdedeploy ng mas maraming tropa ng pamahalaan kabilang na ang Navy, Air Force at Coast Guard para magpatrolya sa lugar gayundin ang pagsasagawa ng joint cooperations sa ibang bansa.

Pinag-aaralan na rin aniya ng Duterte administration ang pagpapadala ng note verbale sa China hinggil sa umano’y patapos nang militarization sa pitong reefs sa South China Sea o West Philippine Sea.

Sa huli, nagbigay ng katiyakan ang pamahalaan na importante sa gobyerno ang usapin sa West Philippine Sea subalit ‘di ito ang buod ng relasyon ng Pilipinas sa ibang bansa.

Kamakailan ay tinuligsa ni Liberal Party President Senator Francis Pangilinan ang Malacañang at sinabing nakakabahala ang tila kawalang-interes umano nito sa nangyayaring militarisasyon sa South China Sea at umaasa lang sa pangako ng China na hindi na magsasagawa ng panibagong artificial island building at reclamations.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,