Pamahalaan, tiniyak na mabibigyan ng ayuda ang mga lubos na maaapektuhan ng ECQ

by Erika Endraca | March 29, 2021 (Monday) | 2011

METRO MANILA – Inaasahan nang hindi makapaghahanapbuhay ang marami sa ating mga kababayan dahil sa muling pagpapatupad ng pinaka-istriktong community quarantine sa greater Manila area.

Bunsod nito, tiniyak ng Malacañang na magkakaloob ng assitance ang pamahalaan sa mga lubos na maapektuhan o hindi makapagtatrabaho dahil sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).

“Dahil naintindihan po ni presidente na habang tayo’y naka-ECQ eh walang pupuwedeng magtrabaho, magkakaroon po tayong tulong na ipamimigay sa ating mga kababayan.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Gayunman, wala pang detalye sa paraan at petsa kung kailan ito maipamamahagi.

Subalit garantiya ng palasyo, maipagkakaloob ito sa buwan ng Abril.

“Well siyempre po kasi sa lockdown mahirap mamigay ng tulong at isang linggo lang naman ito. Pero ang target po natin, hindi rin naman po matatapos ang buwan ng abril eh makakarating iyong tulong na ibibigay ng gobyerno sa mga nangangailangan.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Inaasahan namang makakatatanggap ng financial aid hindi lang ang mga kabilang sa 4Ps beneficiaries kundi maging ang hindi makapasok sa trabaho dahil sa ECQ.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,