Pamahalaan, target na makamit ang Herd Immunity sa NCR sa buwan ng Nobyembre

by Erika Endraca | May 20, 2021 (Thursday) | 3874

METRO MANILA – Target makakamit ng NCR Plus 8 ang herd immunity kontra COVID-19 sa Nobyembre.

Binubuo ang NCR Plus 8 ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Rizal, Laguna, Pampanga, Batangas, Metro Cebu, at Metro Davao.

Ayon sa Department Of Health (DOH), target ngayon na makapagbakuna ng 108,000 doses kada araw sa mga naturang lugar na may matataas na kaso ng COVID-19.

“We will be dependent on global supply. Although, according sa announcement ni Sec. Galvez, we will receive about 10-11 doses ng June-July and August. So more or less, steady ‘yan.”ani DOH Usec. Myrna Cabotaje.

Pero inirerekomenda ng Octa Research Group na ilagay ang bulto ng vaccine supply ng bansa sa Metro Manila upang mapabilis ang pagtapos sa pandemya.

Ayon sa myembro ng Octa Research Team na si Fellow Nicanor Austriaco, batay sa kanilang ginawang modelo, nasa 90% ng vaccine supply ang kanilang iminumungkahing maibigay sa NCR dahil ito ang may pinakamataas na case load sa bansa.

Habang ang nalalabing 10%, ibibigay sa ibang bahagi ng bansa upang mabakunahan ang senior citizens at health care workers na at-risk na magkaroon ng severe COVID-19.

Sa ngayon kasi, nasa 65% aniya ang vaccine priority sa Metro Manila.

“Simply by increasing the percentage of vaccine we sent to the NCR, we will be able to shorten, to decrease the overall case load of the pandemic. If we want to achieve herd immunity in the NCR by Christmas, so this is 3 or 4 months, the target must be around 200,000 doses per day in the NCR.” ani Octa Research Group Fellow Nicanor Austriaco.

Upang ma-contain ang virus sa NCR, kailangan aniyang mabakunahan ang 40 – 50% ng populasyon nito na nasa 13.8-M.

Habang 70 – 80% naman ang kailangang mabakunahan para maabot ang herd immunity sa NCR.

Batay sa prediksyon ng pag-aaral, posibleng maabot ang containment ng COVID-19 sa NCR sa loob ng 4-2 buwan kung makapagbabakuna ng 100,000 – 200,000 doses kada araw.

Habang maaari namang magkaroon ng herd immunity sa NCR sa loob ng anim hanggang 3 buwan kung magagawa ang 100,000 – 200,000 doses kada araw at isa’t kalahating buwan naman kung kakayanin ang 300,000 doses kada araw.

Sa ngayon batay sa datos ng DOH nasa 3.2-M doses ng COVID-19 vaccine na aniya ang naibakuna sa bansa.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: ,