200 metric tons o katumbas ng 240 milyong litro ng diesel ang target proposal sa Department of Energy (DOE) ng Philippine National Oil Company Exploration Corporation (PNOC EC) na angkatin ng Pilipinas sa Russia. Ito ay sa pamamagitan ng government to government transaction.
Tatagal ng tatlong araw ang volume na ito para suportahan ang suplay ng enerhiya sa bansa, subalit hindi upang agarang ibsan ang mataas na presyo ng langis ayon sa DOE.
Umaasa naman ang DOE na sa pamamagitan nito ay ma-eenganyo ang mga private oil retailers sa bansa na mag-import na rin ng langis sa Russia.
Ito ay upang higpitan ang kompetisyon sa mga pinagkukunang producer ng langis na posibleng magresulta sa pagbaba ng local diesel at fuel price.
Ang pondo ng government-owned and–controlled corporations (GOCC) ang ipambibili ng naturang diesel mula sa Russia at sa dalawang storage facilities sa Subic, Zambales target itong maiimbak.
Ayon sa DOE, target na angkatin ang Russian diesel sa loob ng anim na buwan.
Bukod sa bansang Russia, pinag-aaralan din ng PNOC EC na makipag-ugnayan sa iba pang bansang hindi kabilang sa organization of the petroleum exporting countries tulad ng Thailand para sa importasyon ng langis.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )