Pamahalaan, positibong makababawi pa ang ekonomiya ng Pilipinas sa kabila ng pagbagsak ng GDP

by Erika Endraca | May 12, 2021 (Wednesday) | 2725

METRO MANILA – Bagsak pa rin sa 4.2% ang naitalang Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas batay sa pinakabagong report ng National Statistic Authority.

Ito na ang ika-limang beses ng sunod-sunod na quarter ng pagsadsag ng ekonomiya ng bansa.

Gayunman ayon sa National Economic Development Authority (NEDA), bagaman mababa pa rin GDP, mas maigi na ito mula sa nakaraang 8.3% na naitala noong huling bahagi ng 2020.

Paliwanag ng NEDA may mga senyales na unti-unti nang nakakabawi ang ekonomiya mula sa epekto ng pandemya dahil sa pagbubukas ng mga negosyo bunsod ng mas maluwag na quarantine restriction sa unang bahagi ng taon.

Tiwala ang pamahalaan na sa oras na matapos ang problema sa COVID-19 surge, ay muli pang makababangon ang ating ekonomiya sa mga susunod na buwan.

“Once the spike is over, we can implement quarantine relaxations in phased approach to boost our recovery this year. Our economy may slow down in early 2021 given the recent developments but we will not back pedal, the country’s strong economic position before the pandemic and improving economic data in the recent months point to an economy that is on the mend” ani NEDA Sec. Karl Kendrick Chua.

Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority, ang pangunahing dahilan ng mabagal na pagusad sa ekonomiya ay ang pagbaba rin ng aktibidad ng mga nasa construction industry at real state.

Pero nananatiling matatag naman ang nasa financial at insurance, public administration and defense at human health at social activities.

Target ng NEDA na makuha ang 6.5 hanggang 7.5 na GDP sa kabuuan ng taon.

Samantala bagaman bagsak pa rin ang ekonomiya, nanatiling positibo ang pamahalaan na makakabawi ang Pilipinas.

Ito’y kaalinsabay ng pagbabakuna sa mas nakararami, na siyang inaasahan para muling makapanumbalik sa pagnenegosyo at kalakalan ang mas maraming Pilipino.

“Nalulungkot po kami na patuloy pa ring negatibo ang ating gdp figures pero nagagalak at the same time dahil from negative 8, naging negative 4 na lang po ang negative growth ng ating bayan. Ibig sabihin, unti-unti na po tayong nakakaahon at aming patuloy na pakiusap sa lahat, ingat buhay para po makapaghanapbuhay ng sa susunod na quarter ay positibo na po ang ating GDP” amni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: ,