Pamahalaan, pormal nang hiniling sa korte na ideklarang teroristang grupo ang CPP-NPA

by Radyo La Verdad | February 22, 2018 (Thursday) | 3807

Pormal nang hiniling ng pamahalaan sa korte na ideklarang teroristang grupo ang  Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA). Isang petisyon ang inihain ng Department of Justice (DOJ) sa Manila Regional Trial Court para dito.

Ayon kay Senior Assistant State Prosecutor Peter Ong, inugat nila ang kasaysayan ng CPP-NPA simula nang maitatag ito noong 1968. Noon pa man, may mga ginagawa na itong pagpatay at panununog na maituturing na terorismo sa ilalim ng Human Security Act.

Kabilang aniya sa kalupitan ng CPP-NPA ang pamamaslang sa sarili nilang kasamahan nang nililinis ang kanilang hanay noong dekada 80. Isa umanong ebidensiya nito ang natagpuang mass grave sa Inopacan, Leyte noong 2006.

Labindalawang pag-atake pa ng NPA nitong nakaraang taon ang binanggit din bilang suporta sa petisyon. Ginamit din bilang ebidensiya ng DOJ ang salaysay ng sampung dating myembro ng rebeldeng grupo kung saan isa umano rito ang dating mataas na opisyal at isa sa mga orihinal na nagtatag ng CPP-NPA.

Sakaling katigan ng korte ang desisyon, mas mahahabol na umano ng pamahalaan ang mga sumusuporta at nagpopondo sa rebeldeng grupo.

Pwede rin aniyang habulin ng gobyerno ang mga kumpanya at indibidwal na sumusuporta at tumutulong sa grupo kahit ang mga ordinaryong mamamayan na napipilitan lamang na magbigay ng tinatawag na revolutionary tax.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

Tags: , ,