Kumokonsulta na sa mga abugado ang pamahalaan ng Pilipinas kaugnay sa paghahain ng ikalawang petisyon sa Korte Suprema ng Indonesia upang muling pag-aralan ang kaso ng overseas filipino worker na si Maryjane Veloso
Matatandaang hindi kinatigan ng mataas na hukuman ng Indonesia ang apela na repasuhin ang naging hatol sa nasabing Pinay OFW na hinatulang mamatay sa pamamagitan ng firing squad dahil sa kasong pagdadala umano ng iligal na droga sa bansa.
Patuloy naman ang ginagawang hakbang ng pamahalaan upang matulungan ang OFW
Samantala, nasa indonesia na ngayon ang ilang kawani ng pambansang pulisya, Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA at Migrant Affairs Office upang kausapin si Maryjane
Nagsagawa na rin ng humanitarian visit si DFA secretary Albert Del Rosario sa nasabing OFW noong March 24 sa Indonesia sa isang penitentiary doon upang alamin ang kondisyon nito
Tiniyak ng kalihim kay Maryjane na patuloy ang pagsuporta ng pamahalaan
Ayon sa DFA humihingi na rin ang mga abugado ng pamahalaan ng advance copy ng desisyon ng Indonesia Supreme Court ukol sa kaso ni Maryjane
Naniniwala ang DFA na kailangan munang pag-aralan ang naging basehan kung bakit inireject ang apela nito sa hatol na kamatayan. (Bryan de Paz/UNTV Correspondent)