Pamahalaan, nagkaloob ng cash incentives para sa mga atletang Pilipinong wagi sa 18th Asian Games sa Indonesia

by Radyo La Verdad | September 13, 2018 (Thursday) | 3658

(File photo from PCOO FB Page)

Isa si Margielyn Didal sa mga kinilalang atleta ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon sa Malacañang matapos magdala ng karangalan para sa bansa mula sa katatapos na 18th Asian Games sa Jakarta at Palembang, Indonesia. Nagwagi si Didal ng gintong medalya sa skateboarding, women’s street category.

Nang hilingin nito sa president na mag-dab pose, nagpa-unlak pa si Pangulong Duterte.

Bukod sa mga plake ng pagkilala, pinagkalooban din ng cash incentives ang mga medalists sa pamamagitan ng Office of the President at Philippine Sports Commission batay na rin sa National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act o Republic Act Number 10699.

Tig dalawang milyong piso sa bawat gold medalist, tag-iisang milyong piso sa bawat silver medalist at tig 400 na raang piso naman sa bawat bronze medalist.

Pang-12 ang Pilipinas sa 45 bansang lumahok sa Multi-sport Asian Games kung saan nakamit ng bansa ang apat na gold medals, dalawang silver at 15 bronze medals.

Naniniwala naman si Pangulong Duterte na malaki ang nagagawa ng sektor ng palakasan upang ipakita ang pag-ibig at pagbibigay ng karangalan para sa bansa.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,