Pamahalaan, nagdeklara ng unilateral holiday ceasefire vs rebeldeng NPA

by Radyo La Verdad | December 21, 2017 (Thursday) | 3278

Mula December 24, 2017 hanggang January 2, 2018 ay hindi maglulunsad ng anomang opensiba ang pamahalaan laban sa New People’s Army, ito ay matapos na magdeklara ng Suspension of Military Operations o SOMO ang Malacañang.

Ayon kay Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque, umaasa sila na susuklian ng rebeldeng grupo ng kaparehong aksyon ang ginawang ito ng pamahalaan.

Ilang beses nang ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-aalinlangan na magdeklara ng tigil-putukan ngayong holiday, lalo na at sunod-sunod ang pag-atake ng mga rebelde sa mga tropa ng pamahalaan.

Ngunit sa isang ambush interview sa punong ehekutibo sa pagdiriwang ng anibersaryo ng Armed Forces of the Philippines kahapon, sinabi nitong ang ceasefire ay para sa kapakanan ng publiko.

Una nang ipinatigil noong Mayo ni Pangulong Duterte ang pormal na usapang pangkapayapaan sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army- National Democratic Front o CPP-NPA-NDF.

Noong Nobyembre naman ay ipinag-utos ng Pangulo ang pagdedeklara sa grupo bilang mga terorista at pag-aresto sa mga pinalayang NDF consultants, ito ay dahil sa pagkadismaya ng Pangulo sa pagbaliwala umano ng grupo sa kaniyang mga pakikipagkumprumiso alang-alang na makamit ang pangmatagalang pangkapayapaan sa bansa.

 

( Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,