Bukas ang Duterte administration kung magkakaroon ng imbestigasyon sa drug war ng pamahalaan.
Gayunman, dapat mapagkakatiwalaan, walang kinikilingan, at para sa katotohanan lamang ang special rapporteur na magsasagawa ng mga pagsisiyasat sa drug-related killings sa bansa.
At ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, hindi ito ang katangian ni United Nations special rapporteur on extrajudicial or summary execution Agnes Callamard.
“The fact that there is no way that Agnes Callamard can be allowed to investigate in the Philippines proves that she failed in this regard,” ani Roque.
Ginawa ng Malakanyang ang pahayag matapos manawagan si Iceland Foreign Affairs Minister Gudlaugur Thor Thordarson.
Dapat aniyang pahintulutan ng Philippine government ang special rapporteur na magsagawa ng assessment sa drug war ng walang kondisyon at limitasyon.
Subalit ayon kay Roque, hindi pwedeng obligahin ang Pilipinas na pahintulutan ang anumang imbestigasyon.
Magrerekomenda naman si Roque sa pangulo ng isang rapporteur na maaring magsagawa ng pagsisiyasat sa war on drugs ng administrasyon.
(Rosalie Coz/UNTV Correspondent)