Pamahalaan, kumpyansang maaabot ang 15M target vaccination sa isasagawang National Vaccination Days

by Radyo La Verdad | November 22, 2021 (Monday) | 1618

METRO MANILA – Target ng pamahalaan na makapagbakuna ng 5 milyon kada araw o 15 milyong indibidwal sa 3 araw na national vaccination days na isasagawa mula November 29 hanggang December 1.

Ayon kay NTF Against COVID-19 Spokesperson Retired General Restituto Padilla Jr, makatutulong kung ang bawa’t pilipino ay hihikayatin ang kanilang mga kamag-anak na magpabakuna na.

“Nasa sa atin po sa bawa’t mamamayang Pilipino na magbigay ng kani-kaniyang ambag sa pamamagitan ng kooperasyon. So kung meron pa tayong nga kamag-anak na ayaw magpabakuna, hikayatin po natin sila, sabihin po natin ang tamang balita para maniwala sila sa siyensya sa likod ng ating pagbabakuna.” ani NTF Against COVID-19 Spokesperson Ret. Gen. Restituto Padilla Jr.

Nakikipagtulungan na rin ang pamahalaan sa iba pang mga grupo tulad ng pribadong sektor upang maabot ang target inoculation.

“Yung ating mga medical professionals and dental associations nagsanib pwersa na po, tutulong sila. Ang ating mga pribadong sektor patuloy pa rin ang pagtulong nila at palalakasin pa nila ang kanilang kooperasyon sa araw na yan, at yung kanilang facility ay binubuksan na para sa malawakang bakunahan.” ani NTF Against COVID-19 Spokesperson Ret. Gen. Restituto Padilla Jr.

Nauna nang sinabi ng DILG na magbibigay sila ng memorandum sa mga lokal na pamahalaan na magsisilbing guidelines sa 3 araw na vaccination days.

Nananawagan din sila sa mga LGU na palakasin ang incentivized program sa mga nababakunahan upang marami pa ang mahikayat na magpabakuna.

(JP Nuñez | UNTV News)

Tags: