Pamahalaan, kinansela na ang nakatakdang backchannel talks sa CPP-NDF

by Radyo La Verdad | July 20, 2017 (Thursday) | 3708


Wala pa ring pinal na itinakdang petsa kung kailan isasagawa ng GPH at NDF peace panels ang fifth round ng peace talks.

Ito’y matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag ipagpatuloy ang formal peace talks maging ang back channel talks.

Inanunsyo ni Secretary Jesus Dureza sa kaniyang facebook account na kanselado na rin maging ang informal talks sa pagitan ng pamahalaan at nkomunistang grupo na nakatakda sana bago ang State Of Nation Address ng pangulo.

Ayon kay Dureza, ito ay hanggat hindi tumitigil ang mga rebeldeng komunista sa pag-atake laban sa mga pwersa ng pamahalaan sa Mindanao.

Bunsod ito ng pinakahuling pag-atake ng pwersa ng New People’s Army sa Presidential Security Group sa Cotabato kung saan lima sa mga tauhan nito ang sugatan at isang CAFGU ang nasawi bukod pa sa dalawang sundalo na nasawi rin dahil sa pag-atake sa palawan ng mga pinaniniwalaang rebelde.

Dagdag pa ng kalihim, hindi akma ang nangyayari sa grounds ngayon upang ipagpatuloy ang peace negotiations.

Nakatakda sanang talakayin sa back channel talks ang mga isyung tulad ng tigil putukan, kahilingan ng pamahalaang itigil na ng New People’s Army ang pangingikil, opensiba at iba pa nitong kriminal na gawain.

Nilinaw din ng opisyal na kinukunsidera rin ng pamahalaan maging ang pahayag ng CCP hinggil sa martial law.

Noong Martes, iniatas ng CPP sa NPA na paigtingin pa ang opensiba o pag-atake laban sa mga pwersa ng pamahalaan sa buong bansa dahil sa panukalang martial law extension ni Pangulong Duterte sa Mindanao hanggang sa katapusan ng taon.

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

Tags: , ,