Pamahalaan, araw-araw nagsasagawa ng assessment sa Transport Sector – Malacañang

by Erika Endraca | June 8, 2020 (Monday) | 1662

METRO MANILA – Tiniyak ng Malacañang na araw-araw ang ginagawang assessment ng pamahalaan kaugnay sa sektor ng transportasyon.

Tugon ito ng palasyo sa mga tumutuligsa sa hakbang ng pamahalaan na magtakda ng limitasyon sa pinahihintulutang public transportation.

Maraming manggagawa sa ilang bahagi ng Metro Manila ang stranded sa pagbubukas ng mas maraming sektor sa unang Linggo ng General Community Quarantine (GCQ).

Ayon sa Action For Economic Reforms, isang non-governmental organization na nagsasagawa ng policy analysis sa iba’t ibang isyu, sa kakulangan ng ligtas na public transport system, nawalan din ng kabuluhan ang layuning unti-unting buksan ang ekonomiya ng bansa.

Nagdusa ang mga manggagawa sa kakulangan ng transportasyon at naisapanganib pa anila ang kanilang kalusugan dahil sa pagdagsa ng mga tao.

Subalit ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, binabalensa ng pamahalaan ang isyu ng muling pagpapasigla sa ekonomiya ng bansa at pagtitiyak na mapapangalagaan ang kalusugan at seguridad ng publiko.

At dahil nasa ilalim pa Ng General Community Quarantine ang NCR at nananatili ang banta ng COVID-19, di maaaring mapahintulutan ang lahat ng uri ng transportasyon sa lansangan.

Dagdag pa ng palace official, nauunawaan ng pamahalaan ang reklamo ng mga manggagawa kaya nagdagdag pa ang Department Of Transportation  (DOTr) ng 8 city bus routes noong nakalipas na Linggo at magdadagdag pa ng 4 pang ruta ngayong araw (June 8).

Kabilang dito ang mula Monumento hanggang Valenzuela Gateway Complex (VGC) ; Gilmore to Taytay; Monumento hanggang San Jose Del Monte at mula Buendia hanggang BGC.

Muli namang umapela ang Malakanyang sa pribadong sektor na magprovide ng shuttle service para sa kanilang mga empleyado.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,