Palasyo, suportado ang expanded SAP at Bayanihan 3 kapag naubos na ang natitirang pondo sa ayuda

by Erika Endraca | March 26, 2021 (Friday) | 7101

METRO MANILA – Suportado ng palasyo ang panukala ni Senator Bong Go na magkaroon ng expanded Social Amelioration Program (SAP) sa mga apektado ng mas mahigpit na quarantine restrictions.

Sa gitna ito ng patuloy na pagtaas ng Covid-19 cases sa bansa.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, bukas sila sa pagkakaroon ng Bayanihan 3 sakaling kapusin ang mga pondong nakalaan sa Bayanihan 2 at 2021 national budget.

“Ang kinakailangan munang gawin ay unang-una, siguraduhin na ang mga pondo na nilaan para sa subsidies sa ilalim ng Bayanihan 2 ay ma-distribute na sa kanilang beneficiaries. Bukod pa rito, meron tayong mga p287 billion worth of subsidies sa 2021 budget. Kung hindi po sapat ‘yung nasa Bayanihan 2 at saka nasa 2021 budget, pwede naman pong pag-usapan ang Bayanihan 3.”ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Inaayos pa umano ng Department of Budget and Management ang pinakahuling datos nito sa estado ng fund releases para sa pambansang pondo at Bayanihan 2.

Batay naman sa tala ng DSWD noong Pebrero, mahigit P3-B na umano ang naibigay nila sa 500,000 benepisyaryo sa ilalim ng Bayanihan 2.

Noong Enero, pinirmahan ni Pangulong Duterte ang pagpapalawig sa validity ng mga hindi nagastos na pondo sa 2020 national budget hanggang December 31, 2021 habang hanggang June 30, 2021 naman sa Bayanihan 2.

Muling isinusulong sa kamara ang Bayanihan 3 na tatawaging Bayanihan to Arise As One Act , 1 taon mula nang pirmahan ng pangulo ang kauna-unahang Bayanihan law.

Inihain ito ni House Speaker Lord Allan Velasco at Marikina City 2nd District Rep. Stella Quimbo noong Pebrero.

Layon ng panukala na maglaan ng P420-B para sa iba’t ibang sektor gaya rin ng pagbibigay-ayuda sa mga apektadong pamilya at manggagawa, Covid-19 treatment at vaccines, at rehabilitasyon ng mga lugar na hinagupit ng mga nagdaaang bagyo.

Sa ilalim nito, bibigyan ng P1,000 ang bawat miyembro ng pamilya. P1,000 allowance rin umano ang ibibigay sa kada estudyante at guro habang walong libong piso naman sa mga nawalan ng trabaho.

Dagdag ng kongresista, nangako na sakanya si Finance Secretary Carlos Dominguez na patuloy ang paghahanap ng pagkukunan ng pondo para rito.

Sa senado naman, inihain ni Senator Manny Pacquiao ang Senate Bill 2123 o ang expanded stimulus bill na layong maglaan ng P335-B na pondo bilang tulong sa iba’t ibang sektor.

Kabilang na riyan ang P300-B na ayuda para sa low-income individuals, households at homeless; worker subsidies at capacity building ng mga sektor na higit na naaapektuhan ng pandemya; P30-B na tulong sa mga displaced worker at 5 billion pesos para sa internet allowance ng mga guro at estudyante.
Ayon kay Pacquiao, sa ngayon wala pang malinaw na plano kung paano matutugunan ang epekto ng pandemya sa pang-araw araw na pamumuhay ng Pilipino. Kaya layon aniya ng panukala na punan ang kakulangan sa sistema.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: ,