Palasyo, iginiit na on-track pa rin ang Pilipinas sa pagtugon sa COVID-19

by Erika Endraca | September 2, 2021 (Thursday) | 10598

METRO MANILA – Aminado ang Malacañang na nakabahahala ang mahigit 22,000 bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas na naitala noong araw ng Lunes (August 30).

Subalit, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, on track pa rin ang bansa sa pagtugon nito sa pandemiya dahil within projection pa rin ang bilang ng kaso.

“So makikita po ninyo, we are on track, nakakabahala po talaga, kasi mahigit 20,000 ang mga active cases at saka mga daily cases, mga 18,000 ‘no; pero iyan naman po ay within the projection of fassster. Now, ang kapalit po niyan, kung hindi tayo nagsara, eh talaga pong sandamukal na dapat ang nagkasakit ng COVID-19.” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Pinagbabatayan ng pamahalaan ang isang web-based disease surveillance platform na feasibility analysis of syndromic surveillance using spatio-temporal epidemiological modeler o Fassster.

Isa itong tool na kayang tayahin ang peak ng confirmed cases, peak date, case doubling time at iba pang mahalagang datos upang matukiy ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.

Ayon sa palasyo, batay sa fassster projection, kung hindi nagpatupad ng lockdown sa Metro Manila sa loob ng 2 linggo, papalo sa 125,000 ang COVID-19 cases kada araw mula September 5.

Subalit dahil sa lockdowns at mahigpit na restrictions, batay sa projection, papalo ang daily cases mula 20,000 hanggang 37,000 kaso kada araw.

Bagamat within projection, ayon kay Secretary Roque, hindi naman ito dahilan upang maging complacent ang publiko lalo na sa gitna ng matinding banta ng Delta variant.

“We are on track, pero hindi po natin sinasabi na kinakailangan eh magpabaya na ‘no, hindi po. Napakataas pa rin po nitong numerong ito at hindi pa rin sapat iyong mga nababakunahan nating kababayan. So kinakailangan mask, hugas, iwas at bakuna pa rin.” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,