September 27 nang magbanta si Pangulong Rodrigo Duterte laban sa negosyanteng si Lucio Tan hinggil sa pagpapasara ng terminal two ng Ninoy Aquino International Airport.
Ito’y dahil sa hindi umano pagbabayad ng Philippine Airlines sa malaking halaga ng pagkakautang nito sa Civil Aviation Authority of the Philippines at Manila International Airport Authority dahil sa navigational fees at iba pang bayarin.
Isang joint statement na inilabas ng Department of Transportation at PAL noong Biyernes, sinabi ng mga ito na tinanggap na ng pamahalaan ang alok ng flag carrier na bayaran nito ng buo ang pagkakautang nito na anim na bilyong piso.
Ayon sa DOTr, mahigit sa pitong bilyong piso ang orihinal na pagkakautang ng PAL sa MIAA at CAAP.
Subalit dahil sa serye ng mga negosasyon, nagkasundo ang dalawang panig na ibaba na lang sa anim na bilyong piso ang babayaran ng kumpanya.
Sa isang pahayag, sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na patunay lamang aniya ito ng pakikipagtulungan ng ibang sektor upang mapagbigyan ang interes at kapakanan ng ating mga kababayan.
Gagamitin ng pamahalaan ang nakolektang pera upang pondohan ang pagpapatayo ng mga infrastructure project sa bansa.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )