Pakikipagkasundo sa China, pagbenta ng pamahalaan sa soberanya ng Pilipinas – militanteng grupo

by Radyo La Verdad | November 21, 2018 (Wednesday) | 5330

Humilera ang iba’t-ibang militanteng grupo kahapon sa harap ng Chinese Consulate sa Makati City. Ito ay upang ipakita aniya kay President Xi Jinping na hindi siya welcome sa ating bansa.

Ayon sa mga ito, sa ganitong pagkakataon, hindi aplikable ang pagiging hospitable o pagiging magiliw sa mga panauhin ng mga Pilipino.

Tila binabalewala rin anila ng pamahalaan ang desisyon ng international arbitral tribunal sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS). Malinaw anila na ibinebenta na ng pamahalaan ang soberanya ng Pilipinas sa China.

Pangamba ni Mang Bobby na nangingisda sa Scaborough Shoal, lalo silang gigipitin at haharangin ng mga Chinese Coast Guard sa pangingisda malapit sa pinag-aagawang bahura.

Para sa mga militante, panlilinlang ng pamahalaang Duterte ang pakikipagkasundo ng bansa sa China para maisagawa ang joint oil and gas exploration.

Mangangahulugan anila ito na pumapayag ang ating bansa na mabigyan ng kontrol ang China sa WPS.

Ayon naman kay dating Bayan Muna Party-list Representative Neri Colmenares, taong 2006 pa ay may inihain na silang petisyon upang ideklarang unconstitutional at ipagbawal ang anomang joint exploration sa China.

Dapat din anilang himayin ng pamahalaan ang mga nakapaloob sa mga kasunduan ng Pilipinas at China upang tiyak na hindi tayo malalamangan sa ating mga karapatan.

Mariin ding tinututulan ng grupo ang P738 bilyon na halaga ng infrastructure projects ng pamahalaan na popondohan ng China.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,