Pahayag ni Trillanes hinggil sa Mamasapano Clash, ipauubaya muna ng PNP sa ibang investigating body

by monaliza | March 23, 2015 (Monday) | 1173

Antonio-Trillanes-3
Hindi na muna magsasagawa ng imbestigasyon ang Philippine National Police sa mga bagong impormasyon kaugnay ng naganap na Mamasapano Encounter.

Ito ang tugon ni PNP PIO Chief P/CSupt Generoso Cerbo sa ibinulgar ni Sen. Antonio Trillanes na nilansing umano ng ilang mga tauhan ng PNP Special Action Force ang brigade at batallion commander ng 6th Infantry Division noong gabi ng January 24. Ito ay bago ilunsad ang Oplan Exodus para matiyak na hindi makakasama ang militar sa operasyon na dakpin ang mga bomb experts na sina Marwan at Basit Usman.

Ayon kay Cerbo, ipauubaya na muna nila ito sa ibang mga ahensya ng pamahalaan na nagsasagawa pa ng imbestigasyon katulad ng Department of Justice, House of Representatives at Senado .

Sinabi pa nito na wala pa ring kautusan ang OIC ng PNP na magsagawa ng bukod na imbestigasyon hingil sa isyu at maging sa sinasabing miyembro ng 43th at 45th Special Action Company na natakot umanong tumulong sa mga kasamahan na napapalaban sa MILF, BIFF at iba pang armed group.

Gayun pa man, iginiit ni Cerbo na hindi naman umano nila binabalewala ang mga inihayag ni Sen. Trillanes at tiyak na iimbestigahan din ito ng PNP subalit naghihintay lamang sila ng direktiba mula sa mga nakatataas. (Lea Ilagan/UNTV News Senior Correspondent)