Pahayag ni Pres. Spokesperson Sec. Harry Roque na hindi pwedeng ‘pihikan’ ang mga Pilipino sa bakuna, pinuna ng ilang Senador

by Erika Endraca | January 13, 2021 (Wednesday) | 1182

METRO MANILA – Hindi aniya ito patas ang naging pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi dapat maging “pihikan” o mapili ang mga Pilipino sa Covid-19 vaccine na kanilang matatanggap.

Ayon kay Senator Panfilo Lacson, hindi siya pipili ng bakuna na may mas mababang efficacy rate kumpara sa ibang brand at wala pang application para sa Emergency Use Authorization (EUA).

Ilang pag-aaral ang nagsabi na mayroon lamang umanong di bababa sa 50% efficacy rate ang bakuna ng Chinese firm na Sinovac.

Darating na sa bansa sa susunod na buwan ang paunang 50,000 doses ng naturang bakuna. Pero wala pa itong aplikasyon para sa Emergency Use Authorization sa ngayon.

Para naman Senator Risa Hontiveros, dapat nang inihinto ng palasyo ang ganitong mga nakababahalang payahag dahil mas nagpapakaba lamang ito sa publiko.

“Sabi ni sec. Roque, hindi pwedeng maging choosy. Pero ang presidente mismo ay namimili pa between russian and Chinese vaccines.”ani Sen. Risa Hontiveros.

Hindi nakatutulong ang mga binibitawang salita ng tagapagsalita ng palasyo ayon kay Senator Francis Pangilinan bagkus ay mas lalo lamang itong nakadadagdag sa kawalan ng tiwala ng publiko sa bakuna.

Giit naman kay Senator Grace Poe, karapatan ng bawat Pilipino na makapili ng bakuna na nais nito matanggap lalo na’t pera rin naman ng taumbayan ang ginagamit ng gobyerno na pambayad para rito.

Tanong tuloy ng senadora, sino ba ang pinapaburan ng gobyerno sa pagpili ng Sinovac. Sa pagdinig sa Senado noong Lunes (Jan 11), itinanggi ni Testing Czar Vince Dizon na may pinapaburang bansa ang gobyerno sa pagbili ng Covid-19 vaccine.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: