Pahayag ni Pangulong Duterte na palitan na ang Smartmatic, suportado ng ilang Senador

by Radyo La Verdad | June 3, 2019 (Monday) | 722

SENATE, Philippines – Pabor ang ilang Senador sa pinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na palitan na ang Smartmatic bilang service provider ng automated elections. Ito ay sa gitna na rin ng isyu ng dayaan sa eleksyon.

Ayon kay Senate Committee on Electoral Reforms Chairman Aquilino “Koko” Pimentel III, tulad ng Pangulo, ito rin ang kaniyang iniisip.

Ngunit ang tangi lamang aniyang magagawa nila ay magrekomenda sa Commission on Elections.

Matagal na ring isinusulong ni Senator Pimentel ang Hybrid elections.

Ang panukala na ito ay bunsod na rin sa isinagawang imbestigasyon noon ng komite sa umano’y dayaan na nangyari noong 2010 elections gamit ang Smartmatic Election System.

Ayon naman kay Liberal Party President Senator Francis Pangilinan, ituloy na ang reporma sa halalan kasabay ang pagpapanagot sa mga isyu tulad ng mga sumusunod:

  • Hayagang paglabag ng mga kaalyado ng administrasyon sa Elections Laws.
  • Ang paglalabas ng walang basehang Narcolist.
  • Ang pagbabanta ng Pangulo sa mga local politicians.
  • Ang pagtanggi ng COMELEC sa hiling ng partido na debate.
  • Ang hindi pagpapangalan sa kanilang bilang dominant minority.
  • Ulat ng unmailed ballots ng mga OFW.
  • Ang hindi pagbibigay ng mirror access sa kanila ng COMELEC.
  • At ang pagkasira ng daan daang Vote Counting Machines kung saan talamak ang umano’y bilihan ng boto.

(Nel Maribojoc | UNTV News)