Pahayag ni Pangulong Duterte na barilin sa maselang bahagi ng katawan ang mga babaeng NPA, muling binatikos

by Radyo La Verdad | February 14, 2018 (Wednesday) | 6888

Nagsama-sama ang mga kababaihan sa One Billion Rising Event na pinangunahan ng grupong Gabriela. Pinutol ng mga galit na miyembro ng grupo ang effigy na ito ni Pangulong Rodigo Duterte.

Simbolo umano ito ng kanilang mariing pagkundina sa marahas na biro ng Pangulo sa mga kababaihan.

Kaugnay ito ng naging pahayag ng punong ehekutibo na barilin na lamang sa maselang bahagi ng katawan ang mga babaeng miyembro ng New People’s Army o NPA.

Hindi rin kumbinsido ang grupo sa paliwanag ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na hindi dapat pakahulugang literal ang sinabi ng Pangulo.

Ayon naman kay Attorney Jude Sabio, ang abugadong naghain ng reklamo laban kay Pangulong Duterte sa International Criminal Court o ICC, maaring gamiting ebidensya sa reklamong nakahain sa ICC ang mga katulad na pahayag ng Pangulo.

Matatandaang nahaharap sa reklamong crimes against humanity ang Pangulo sa International Tribunal dahil umano sa dami ng napapatay sa war agains drugs ng administrasyon.

Muli namang nilinaw ni Solicitor General Jose Calida na hindi maaaring manghimasok ang isang International Court sa kampanyang ito ng pamahalaan.

 

( Rajel Adora / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,