Pahayag ng isang pari sa Batangas na huwag nang gumamit ng face mask at face shield vs COVID-19, kinontra ng Malacañang

by Erika Endraca | September 25, 2020 (Friday) | 4016

METRO MANILA – Kontrobersyal ngayon ang pahayag ng isang pari mula sa lipa batangas na nagsabing hindi na kailangan ang pagsusuot ng face mask at face shield  kahit mayroon pa ring banta ng COVID-19.

Sa isang misa na pinangunahan ni Lipa Archbishop Ramon Arguelles noong September 23, sinabi nito na kung gumagawa naman ng mabuti at nagtutulungan ang mga tao, hindi na aniya kailangan ng face mask at mag social distancing.

“Kung nagtutulungan tayo, nagmamahalan tayo, gumagawa nang mabuti, hindi na kailangan ‘yang mask, hindi na kailangan ‘yang face shield, hindi na kailangan ang distancing. Bakit? Mahal tayo ng diyos at mahal natin siya at mahal natin ang isa’t isa. We will only do good,” ani Lipa Archbishop Ramon Arguelles.

Pero kinontra ito ng Malacañang at iginiit na napatunayan na sa maraming pag-aaral ng mga eksperto na epektibo ang pagsusuot ng face mask upang maiwasan na mahawa ng COVID-19.

Sa halip na tuligsain, nakiusap ang Malacanang na tulungan ang pamahalaan sa kampanya upang mapababa ang kaso ng covid sa bansa.

“Kay bishop sir i hope we stick to our roles in society..napatunayan napo ng siyensya at ng mga doktor na napaka-epektibo po ng pagsusuot ng face mask para maiwasan po ang covid,sana po gamitin nalang natin yung impluwensya natin sa lipunan para tulungan yung bayan na mabawasan yung kaso ng covid” ani Presidential Spokesperson Sec.Harry Roque.

Bukod sa face mask, face shield at physical distancing, kinukwestyon rin ni Arguelles kung bakit pinagbabawalan ng pamahalaan na lumabas ng kanilang mga bahay ang mga menor de edad at senior citizen.

Nauna nang ipinaliwanag ng mga doktor na madaling mahawa ng COVID-19 ang mga bata at senior citizents dahil mas mahina ang kanilang immune system na proteksyon laban sa anumang uri ng sakit.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: ,