Pagwasak sa mga puslit na mamahaling sasakyan ng Duterte administration, binatikos at pinuri ng international netizens

by Radyo La Verdad | August 2, 2018 (Thursday) | 1678

Umani ng daang-daang libong views sa social media ang ginawang public destruction sa kulang 70 mamahaling sasakyan at motorsiklo sa Port Irene, Sta. Ana Cagayan noong Lunes. Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang sumaksi dito.

Maraming international netizens din ang nagkomento sa hakbang na ito ng Philippine government.

Ayon sa isang netizen, hangal ang desisyon dahil maaari pa aniyang magamit ang milyong dolyar na halaga ng mga sasakyan upang sustentuhan ang pangangailangan ng gobyerno o ng mga pulis.

May nagsabi naman na kung matalino aniya si Duterte, dapat ay ibinenta na lamang ang mga sasakyan at ginamit ang salapi sa ikauunlad ng bansa o para tulungan ang mga mahihirap.

Ang iba, suportado ang hakbang ng Duterte administration at sinabing kung i-auction pa ang mga puslit na sasakyan ay makakahikayat pa ito sa iba na gumawa ng katiwalian.

Ayon naman kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang pagsira sa mga smuggled vehicles ay pagpapakita ng paninindigan ni Pangulong Duterte na pigilan ang mga smuggler sa kanilang iligal na gawain.

Gayunman, hindi kasama sa sinira ang mga smuggled hummer dahil nais ni Pangulong Duterte na ipagamit ito sa mga tauhan ng pulisya at militar.

Ayon naman sa isang mambabatas, dapat magkaroon na ng isang malinaw na batas kung papaano gagamitin ang mga nakukumpiskang mga gamit o sasakyan.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,