Nakikipag-ugnayan na ang Embahada ng Pilipinas sa mga otoridad sa Doha Qatar para sa agarang pag-uuwi sa labi ng isang Filipina nurse na nasawi sa car accident noong Huwebes ng gabi.
Ito ang sinabi ni Philippine Ambassador Wilfredo Santos sa panayam ng UNTV.
“The Philippine Embassy in Doha is currently working on the shipment of remains of the late Cheryl Mae Ayugat Wawey to the Philippines, on the other hand 28 year old Celeste Mamon Centino, who is also a nurse like the deceased, is now in stable condition but still under observation at the hamad general Hospital.”
Ayon kay Ambassador Santos na nangako ang management ng Naseem Al Rabeeh Medical Centre, ang kumpanyang pinagtatrabahuhan ng 2 Pinay nurse na ibibigay nito ang kanilang kaukulang benipisyo.
Samantala tiniyak din ni POLO-OWWA Labor Attache Davide Des Dicang na makatatanggap ang naulila ni Cheryl Mae ng kaukulang financial at livelihood assistance mula sa pamahalaan bilang legitimate member ng OWWA.
Sinabi pa ni Labor Attache Dicang na patuloy nilang minomonitor ang kalagayan ng isa pang biktima na si Celeste Centino na nagpapagaling mula sa Hamad Hospital.
Naganap ang insidente malapit sa pinagtatrabahuhan ng mga biktima habang pauwi na mula sa kanilang trabaho.
Bumuhos naman ang pakikiramay ng mga kaibigan ni Cheryl Mae sa iba’t ibang lugar mula sa social media.
Umaasa ang POLO OWWA at embahada na sa kanilang pakikipagtulungan sa mga otoridad ay mailalabas na nito ang resulta ng imbestigasyon sa lalong madaling panahon.
(Ramil Ramal /UNTV NEWS)
Tags: Cheryl Mae Ayugat Wawey, Philippine Ambassador Wilfredo Santos, POLO-OWWA Labor Attache Davide Des Dicang