Pagtutol ng int’l community sa reclamation activity sa West PHL Sea, dapat pakinggan ng China – Malacañang

by dennis | June 26, 2015 (Friday) | 1733

china_west-philippine-sea

Dapat isaalang alang ng bansang China ang pagtutol ng international community sa nagpapatuloy na reclamation activity nito sa West Philippine Sea.

Ito ang reaksiyon ng Malacañang sa pahayag ng China na pinatataas ng Pilipinas ang tensiyon sa territorial dispute dahil sa isinasagawang joint naval exercise ng Pilipinas sa mga kaalyadong bansa gaya ng Japan at Estados Unidos.

Sinabi ni presidential spokesperson Edwin Lacierda, kung naiisip ng China ang posibilidad ng pagkakaroon ng tensyon sa mga pinag-aagawang teritoryo ay dapat na nitong itigil ang pagpapatayo ng mga pasilidad na pinaniniwalaang base militar ng China sa inaangking mga isla.

Mababatid na nagpahayag na rin ang Estados Unidos ng pagtutol sa ginagawang aktibidad ng China sa West Philippine Sea.

Samantala, nagumpisa ang tatlong araw na naval exercises ng mga tauhan ng Philippine Navy, Japanese at US navy noong June 22 sa Palawan.

Nauna nang sinabi ng Philippine Navy na ang naturang naval exercise ay walang kaugnayan sa territorial dispute dahil bago pa uminit ang isyu sa territorial claims ay regular nang bumibisita ang sundalo ng Amerika at iba pang kaalyado ng bansa. (Jerico Albano/UNTV Radio)

Tags: , ,