Bukod sa pagbibigay parangal sa mga natatangi at mahuhusay na artists sa bansa, ang Wish Music Awards (WMA) ay isa ring charitable event na nagkakaloob ng tulong sa mga benepisyaryo ng mga nanalo.
Kahapon sa isang programa, bilang pasasalamat sa kanilang mga partner in public service, kabilang ang WISH 107.5 sa mga binigyang pagkilala ng Save the Children Philippines dahil sa naging malaking ambag nito sa pagtulong sa mga batang nangangailangan.
Ang Save the Children ang napiling beneficiary ng apat na winners noong 3rd WISH Music Awards noong Enero. Ito ay sina KZ Tandingan, Moira Dela Torre, Michael Pangilinan at ang Extrapolation.
Tumanggap ang organisasyon ng kabuuang halaga na 400,000 pesos.
Ang Save the Children Philippines ay isang independent children’s organization na nagbibigay ng emergency at long-term support sa mga kabataang Pilipino.
Ang kanilang mga programa ay nakatuon sa edukasyon, kalusugan, emergency response at iba pa.
Ang WMA ang nag-iisang music awards sa bansa na tumutulong sa mga beneficiary ng awardees nito.
Ito na ang ikatlong taon ng WISH Music Awards na nagkaloob na ng kabuuang 4.8 million pesos sa mga nanalo at beneficiaries ng mga ito.
( Leslie Longboen / UNTV Correspondent )
Tags: Save the Children Organization, Wish 107-5, Wish Music Awards