Lumakas ang pagasa ng government at Moro Islamic Liberation Front Peace Panel na maipapasa sa senado ang panukalang Bangsamoro Basic Law o BBL bago matapos ang Aquino Administration.
Sa sulat ni Senator Bongbong Marcos, Chairman ng Senate Committe on Local Government sa government at MILF Peace Panel, sinabi nito na tinawala siya na gagawin ng senado ang lahat ng makakaya upang maipasa ang BBL sa loob ng natitira nitong session days.
Ito ay matapos na ikunsidera ang mga amiyenda na ginawa rito ng mga senador.
Bilang sagot ito ni Sen.Marcos sa open letter sa Kongreso ng government at MILF Peace Panel noong nakaraang November 26.
Sa open letter binigyang diin ng dalawang panel ang kahalagahan ng pagpapasa ng BBL at pagpapatuloy ng decommissioning ng mga armas at puwersa ng MILF.
Taliwas ito sa naunang pahayag ng senador na patay na ang bbl dahil naubusan na ng panahon ang Kongreso upang ipasa ang kontrobersyal na panukalang batas.
Ayon naman sa Malakanyang, nananatiling nasa unahan ng listahan ng priority bills ng Administrasyong Aquino ang pagsasabatas ng BBL.
Patuloy rin ang kanilang pakikipagugnayan sa liderato ng Kongreso para sa agarang pagpapasa nito tungo sa hinahangad na kapayapaan sa Mindanao.
(Nel Maribojoc / UNTV Correspondent)
Tags: Aquino Admin, MILF at Government Peace Panel, proposed BBL, Sen.Bong bong Marcos